Module 6 of 10

Paano Gamitin ang Bitcoin

Listen to this chapter

6.0 Panimula

Bakit magtitiwala ang kahit sino sa pera ng mga nerd kumpara sa pera ng sentral na bangko? Ang mga nerd ang nagdala sa iyo ng internet. Ang mga bangko ang nagdala sa iyo ng Malaking Depresyon.
Satoshi Nakamoto

Ngayong mas malinaw na natin kung ano ang bitcoin at ang layunin nito, panahon na para matutunan kung paano ito gamitin sa aktwal. Sa module na ito, gagabayan ka namin sa proseso ng pagkuha ng bitcoin, hakbang-hakbang, tatalakayin ang iba't ibang uri ng wallet na maaari mong gamitin, tutulungan kang mag-set up ng sarili mong Bitcoin wallet, at magpapraktis pa tayo ng pagpapadala at pagsubaybay ng Bitcoin transaction sa network. Panahon na para isabuhay ang iyong natutunan!

6.1 Pagkuha ng Bitcoin

Maraming paraan para makakuha at makipagpalitan ng bitcoin. Halimbawa, maaari kang:

  • Tumanggap ng bayad sa bitcoin kapalit ng iyong trabaho at magbayad para sa mga produkto at serbisyo ng ibang tao gamit ang bitcoin (malalaman pa ito sa Module 7)
  • Magmina ng bitcoin (malalaman pa ito sa Module 9)
  • Ipagpalit ang iyong fiat currency para sa bitcoin o ipagpalit ang iyong bitcoin para sa fiat nang personal.
  • Ipagpalit ang iyong fiat currency para sa bitcoin o ipagpalit ang iyong bitcoin para sa fiat online.

Sa ibaba, tatalakayin natin ang pagpapalit ng fiat currency sa bitcoin at kabaliktaran, sa pamamagitan ng parehong personal at online na paraan, dahil ito ang mga pinakakaraniwang opsyon.

Peer-to-Peer: Nang Personal

Ang pakikilahok sa peer-to-peer (P2P) na mga transaksyon para bumili at magbenta ng bitcoin nang personal ay nangangahulugan ng direktang pagpapalitan ng iyong fiat currency (o anumang iba pang produkto o serbisyo) para sa bitcoin sa isa pang indibidwal, na inaalis ang pangangailangan para sa bangko o iba pang partido.

Nagkakasundo ang parehong panig sa halaga at palitan. Nagbibigay ng pera ang bumibili, ipinapadala ng nagbebenta ang bitcoin, at tapos na ang transaksyon kapag nakumpirma na sa blockchain. Ganon din ang proseso kapag nagpapalit ng bitcoin pabalik sa fiat.

Peer-to-Peer: Online

Bagama't mas madali ang peer-to-peer exchanges nang personal sa pamamagitan ng pagkikita ng isa't isa sa totoong buhay, may kaakibat itong panganib — tulad ng anumang iba pang personal na palitan ng pera. Kaya naman, pinipili ng ilan na magpalitan ng bitcoin nang virtual, saan man sila naroroon dahil sa internet.

Dito pumapasok ang peer-to-peer platforms, kung saan nagkikita ang mga bumibili at nagbebenta ng Bitcoin sa cyberspace upang magsagawa ng mga transaksyon nang walang tagapamagitan, direkta sa internet.

Sa mga ganitong platform, hindi mo kailangang pagkatiwalaan ang kahit sino sa iyong impormasyon o pera; kumokonekta ka lang sa ibang peers at direktang nakikipagpalitan sa kanila.

Sa karamihan ng peer-to-peer platforms, kailangang mag-escrow ng ilan sa mga pondo ang mga peers upang matiyak na susunod ang bawat panig sa kanilang kasunduan. Ang escrow ay nangangahulugang ilalagay ang pera sa isang ligtas na lugar na kontrolado ng platform hanggang magawa ng parehong panig ang kanilang ipinangako. Para itong pinagkakatiwalaang kaibigan na nagbabantay ng iyong gamit hanggang masiyahan ang lahat sa kasunduan.

Centralized Exchanges

Ang centralized exchanges ay mga kumpanya na nagpapahintulot sa mga kliyente na bumili at magbenta ng bitcoin direkta sa kanila. Ito ang pinakamadaling paraan para makakuha at makapagbenta ng bitcoin, ngunit may kaakibat itong mahahalagang kompromiso.

Mga Kompromiso sa Centralized Exchanges

Mahalagang tandaan na kapag bumibili ng bitcoin sa pamamagitan ng isang centralized exchange, kadalasan ay hinihingan ka ng personal na impormasyon at kailangang patunayan ang iyong pagkakakilanlan. Nagdudulot ito ng panganib ng identity theft at inilalantad ang iyong personal na impormasyon sa mga posibleng banta. Bukod dito, ang centralized exchanges ang humahawak ng iyong bitcoin para sa iyo, ibig sabihin, wala kang kontrol sa iyong pera hangga't hindi mo pa nawi-withdraw ang iyong pondo.

Dagdag pa rito, maaaring abusuhin ng centralized exchanges ang pondo ng mga user o magbenta ng mas maraming bitcoin kaysa sa mayroon sila hanggang sa bumagsak ang kumpanya — Oo, parang mga bangko! Ngunit sa mundo ng Bitcoin, walang central bank na magliligtas sa mga mapanlinlang na bangko sa pamamagitan ng pag-imprenta ng mas maraming pera, dahil hindi mo pwedeng i-print ang mas maraming bitcoin!

6.2 Panimula sa mga Wallet

Hindi tulad ng pisikal na pera, ang bitcoin ay hindi talaga nakaimbak sa isang Bitcoin wallet. Sa halip, ito ay nasa distributed ledger na palaging sinusuri at pinoprotektahan ng Bitcoin network. Kaya, paano mo pagmamay-ari ang bitcoin?

May pagmamay-ari ka lamang ng iyong bitcoin kung ikaw ang may kontrol sa mga private key na nagbibigay-daan sa iyong mag-sign ng mga transaksyon at ilipat ang pagmamay-ari ng iyong bitcoin sa iba. Ito ang mismong proseso ng pagpapadala ng bitcoin.

Tingnan natin ang dalawang konsepto na tinutukoy natin kapag ginagamit ang salitang wallet:

  • Isang master private key, na parang password, kung saan nagmumula ang iyong mga public key, na parang mga email address. Maaari mong ibahagi ang iyong public address sa iba para makatanggap at makapagpadala ng bitcoin, ngunit huwag kailanman ibahagi ang iyong private key!
  • Ang mobile o desktop interface na ginagamit upang makipag-ugnayan sa Bitcoin network, tingnan ang iyong bitcoin balance, magpadala at tumanggap ng mga transaksyon, at i-broadcast ang mga ito sa network. Iba't ibang uri ng wallet, kasama ang kanilang mga benepisyo at kapalit, ay ilalarawan sa mga susunod na seksyon.

Self-Custodial vs Custodial Wallets

Bago talakayin ang iba't ibang uri ng Bitcoin wallet at ang kanilang mga katangian, mahalagang malaman ang pagkakaiba ng self-custodial at custodial wallets. Bawat uri ay may sariling benepisyo, panganib, at antas ng kontrol sa bitcoin. Ang self-custodial ay nangangahulugang ang user ang may hawak ng private keys at tunay na may kontrol sa kanilang bitcoin; sa custodial wallets, isang third party ang may hawak ng bitcoin para sa user.

Uri Kontrol Mga Benepisyo Mga Panganib
Self-Custodial Ang user Kumpletong kontrol sa pondo at mga transaksyon, walang approval process o pag-freeze ng account, walang kontrol ng kumpanya o gobyerno, protektado laban sa kumpiskasyon. Walang recovery kung mawala ang recovery phrase, buong responsibilidad ay nasa user.
Custodial Ang third-party provider Madaling recovery kung mawala ang access, mas madaling customer support. Ang pondo ay konektado sa Internet, mas madaling ma-hack. Maaaring i-freeze ng custodian ang mga account.

Sa isang self-custodial wallet (tinatawag ding non-custodial wallet), ikaw lang ang may hawak ng mga susi ng wallet at ikaw ang may buong kontrol sa lahat ng papasok at palabas. Sa kabilang banda, sa custodial wallet, ibang tao ang may hawak ng private key, kaya't sila ang may buong access na ilipat ang anumang bitcoin na hawak ng provider para sa iyo.

  • Ang self-custody ay parang ikaw mismo ang iyong bangko. Ang mga transaksyon ay hindi dumadaan sa pagsusuri at kontrol
  • Tinitiyak ng self-custody na hindi makukuha ng ibang tao ang iyong bitcoin.
  • Nagbibigay ng kapanatagan ang self-custody sa panahon ng kawalang-katiyakan, dahil alam mong ligtas ang iyong bitcoin.

Mahalagang pumili ng tamang uri ng wallet para sa pangangailangan ng bawat isa. Minsan, nahihirapan ang mga tao na malaman kung self-custodial o custodial wallet ba ang kanilang ini-install. Ipinapakita ng talahanayang ito ang mga pagkakaiba sa proseso ng pag-install.

Uri Hakbang 1: Pumili Hakbang 2: I-install Hakbang 3: Gumawa Hakbang 4: Siguraduhin
Self-Custodial Pumili ng self-custodial wallet Sundin ang mga tagubilin ng wallet Gumawa ng recovery phrase Itago ang recovery phrase sa ligtas na lugar
Custodial Pumili ng custodial wallet Sundin ang mga tagubilin ng wallet Gumawa ng account N/A

Not your keys, not your coins” ay isang tanyag na kasabihan sa mga may hawak ng bitcoin. Tumutukoy ito sa ideya na kung wala kang direktang kontrol sa private keys na konektado sa iyong Bitcoin wallet, wala kang tunay na pagmamay-ari sa mga coin.

Kung sino man ang may access sa iyong private keys, siya ang may pagmamay-ari ng iyong bitcoin. Kaya napakahalaga na protektahan ang mga ito at ilayo sa mga mapanuring mata! Tatalakayin natin ang ilang paraan kung paano mo ito magagawa sa mga susunod na bahagi ng aklat.

Sa mga susunod na bahagi, tatalakayin natin ang tungkol lamang sa self-custodial wallets, kung saan ang user ang may hawak ng kanilang mga susi at may ganap na kontrol sa kanilang bitcoin.

Huwag mag-alala kung tila komplikado o hindi mo agad maintindihan ang lahat — ito ay isang paglalakbay, at mas mauunawaan mo ito habang ginagamit mo ang Bitcoin!

Iba't Ibang Uri ng Bitcoin Wallet

Kung saan nilikha at iniimbak ang iyong private key ang nagtatakda kung paano natin inilalarawan ang Bitcoin wallets. Kung ang mga susi ay nasa iyong smartphone, ito ay isang mobile wallet. Kung ito ay nakaimbak nang ligtas sa isang dedikadong aparato, ito ay isang hardware wallet.

Uri Paglalarawan Mga Kalamangan Mga Kahinaan Halimbawa ng Gumagamit
Online Wallet Ina-access gamit ang web browser Maaaring ma-access mula sa kahit anong device na may internet connection Mas hindi ligtas dahil maaaring ma-hack o makompromiso Kailangang madalas gamitin ang wallet at hindi nag-iimbak ng malaking halaga
Mobile Wallet Ini-install sa mobile device Madaling gamitin Maaaring mawala kung manakaw o ma-hack ang device Kailangang mag-transaksyon habang naglalakbay at hindi nag-iimbak ng malaking halaga
Desktop Wallet Ini-install sa desktop computer Maginhawa at maaaring ma-access kahit saan Maaaring ma-hack kung may malware ang computer Nais mag-imbak ng malaking halaga ng bitcoin at komportable gumamit ng desktop computer
Hardware Wallet Isang pisikal na aparato na nag-iimbak ng bitcoin offline Mas ligtas kaysa online wallets at maaaring gamitin offline Maaaring hindi na mabawi ang pondo Nais mag-imbak ng malaking halaga ng bitcoin at handang magbayad para sa dagdag na seguridad

Dahil maaaring ilipat ang mga key mula sa isang device papunta sa iba, ang “status” ng iyong Bitcoin wallet ay hindi permanente. Halimbawa, kung nilikha ko ang wallet keys sa computer at inilipat ko ito sa aking telepono, ang “desktop wallet” ay nagiging “mobile wallet.”

Pagdating sa pag-iimbak ng iyong bitcoin, hindi lang ito tungkol sa kung sino ang may kontrol sa mga key — marami pang ibang panganib na dapat isaalang-alang. Kaya mahalagang makahanap ng storage solution na parehong ligtas at maginhawa. Kapag inaral mo ang mga trade-off ng iba't ibang uri ng wallet, matututuhan mong walang perpektong wallet na makakatugon sa lahat ng pangangailangan.

Mga dapat isaalang-alang sa pagpili ng wallet
  • Seguridad: Siguraduhing may matibay na security measures ang wallet.
  • Pribasiya: Isaalang-alang kung nangangailangan ng personal na impormasyon ang wallet.
  • Dali ng paggamit: Pumili ng wallet na madaling gamitin at i-navigate.
  • Kompatibilidad: Siguraduhing compatible ang wallet sa iyong device.
  • Mga Bayarin: Ihambing ang mga bayad na sinisingil ng iba't ibang wallet.
  • Reputasyon: Suriin ang reputasyon ng mga developer upang matiyak na sila ay mapagkakatiwalaan.
  • Kontrol: May mga wallet na nagbibigay ng mas malaking kontrol sa iyong private keys.
Open Source vs Closed Source

Isa pang mahalagang bagay na dapat tandaan sa pagpili ng Bitcoin wallet ay kung ang application o software ay open-source. Mahalaga ito dahil ang open-source na proyekto ay nagpapahintulot sa komunidad na suriin ang code at ipagpatuloy ang proyekto kung titigil ang team sa paggawa nito. Katulad ng code ng Bitcoin na bukas para sa lahat upang suriin, gamitin, at baguhin, ganoon din dapat ang code ng wallet na gagamitin mo para pamahalaan ang iyong bitcoin.

Gawain: Talakayan at pagsusuri ng mga Bitcoin wallet

Pumunta sa sumusunod na website: https://bitcoin.org/en/choose-your-wallet

Gamitin ang bago mong kaalaman tungkol sa mga Bitcoin wallet upang piliin ang pinakaangkop para sa iyong pangangailangan batay sa mga pamantayang tinalakay natin ngayon.

6.3 Pagse-set up ng Mobile Wallet

Gawain: Pag-set Up at Pag-recover ng Wallet

Ngayon na mas nauunawaan na natin ang mga Bitcoin wallet at ang mga pagkakaiba ng mga ito, titingnan natin kung paano gamitin ang isa sa aktwal na buhay. Sa halimbawang ito, gagawa tayo ng mobile wallet direkta sa ating smartphone. Kung walang smartphone ang mga estudyante, magbibigay ang guro ng isa na maaaring hiramin ng mga estudyante. May dalawang opsyon para sa gawaing ito.

Opsyon 1: Mag-download ng Bagong Wallet

Paano gumawa at gumamit ng Bitcoin wallet:

  1. Hanapin ang app sa App Store (iOS) o Google Play Store (Android)
  2. Buksan ang app at piliin ang "Gumawa ng bagong wallet". Awtomatikong gagawin ng iyong app ang iyong private key.
  3. Hihilingin sa iyo na isulat ang listahan ng 12 hanggang 24 na salita at itago ito sa ligtas na lugar. Ito ang iyong recovery phrase (tinatawag ding seed phrase): ito ang magpapahintulot sa iyo na mabawi ang buong access sa iyong pondo kung kinakailangan.Tandaan na kung mawala o makalimutan mo ang pagkakasunod-sunod ng mga salitang ito, hindi mo na maa-access ang iyong bitcoin kung mawawala ang access mo sa iyong wallet. Gayundin, kung may ibang makakita ng iyong recovery phrase, magkakaroon sila ng access sa iyong bitcoin!
  4. Kailangan mong kumpirmahin na naisulat mo at naitabi ang iyong recovery phrase. Para gawin ito, kailangan mong ilagay, sa tamang pagkakasunod-sunod, ang mga salita ng iyong seed phrase.
  5. Bilang karagdagang seguridad, pinapayagan ng ilang wallet na pumili ka ng secure na password.
  6. Kapag na-back up mo na ang iyong recovery phrase, pumasok sa wallet. Hanapin ang opsyong "Receive": magge-generate ang iyong wallet ng public key para makatanggap ng bitcoin.
  7. Maglipat ng bitcoin sa iyong wallet. Sa self-custodial wallet, hindi ka laging makakabili ng bitcoin direkta gamit ang fiat, kaya maaaring kailanganin mong bumili at ilipat muna mula sa isang exchange.

Isipin ang iyong public key na parang iyong email address: ibinabahagi mo ito sa iba para makapagpadala sila sa iyo ng bitcoin (o, sa kaso ng email address, ng email).

Isipin ang iyong private key na parang password ng iyong email: hindi mo ito dapat ibahagi kaninuman, dahil magbibigay ito ng access sa iyong email.

Opsyon 2: I-restore ang Wallet

Mag-download ng Bitcoin wallet at maglagay ng ilang sats para sa bawat estudyante.

Bigyan ang bawat estudyante ng papel na may recovery phrase para mabawi ang wallet.

Gabayang hakbang-hakbang ang mga estudyante:

  1. Kapag una mong binuksan ang iyong wallet, makikita mo ang tatlong paraan ng paggawa ng wallet, pindutin ang [I-import ang umiiral na wallet]. Makikita mo ang introduction screen, pindutin ang [I-restore gamit ang recovery phrase].
  2. Ilagay ang iyong recovery phrase isa-isa, sa tamang pagkakasunod-sunod.
  3. Makakakita ka ng confirmation message kapag matagumpay na na-import ang iyong wallet. Handa nang gamitin ang iyong nabawing pondo!

6.4 Pagtanggap at Pagpapadala ng mga Transaksyon

Ang isang Bitcoin transaction ay paglilipat ng pagmamay-ari ng bitcoin sa isang bagong may-ari. Tandaan na hindi ang aktwal na mga coin ang naililipat, kundi ang pagmamay-ari ng mga ito: sa madaling salita, ang karapatang gastusin ang mga ito. Sa tuwing ang isang transaksyon ay tinatanggap sa isang block, lahat ng node sa network ay ina-update ang kanilang lokal na kopya ng pampublikong ledger upang ipakita ang pagbabago ng pagmamay-ari. Sa aspetong ito, ang isang Bitcoin transaction ay mas kahalintulad ng isang transaksyon sa real estate (o ibang ari-arian) kaysa sa isang transaksyon gamit ang salapi.

Upang "magpadala" ng bitcoin, ang nagpapadala ay pumipirma ng isang mensahe gamit ang kanyang private key, bilang hudyat sa network na nailipat na ng tamang may-ari ng bitcoin ang pagmamay-ari nito sa tatanggap.

Ang bitcoin ay ngayon nakatali na sa address ng tatanggap, na nagbibigay sa kanya ng pagmamay-ari ng bitcoin, kaya't tanging ang bagong may-ari lamang ang maaaring gumastos nito gamit ang kanyang private key.

Ang mga bagong Bitcoin transaction ay sinisimulan mula sa mga wallet sa iba't ibang panig ng mundo, ngunit walang sentralisadong tagaproseso ng bayad. Sa halip, ang mga miner ay nagkakaroon ng kumpetisyon upang maitala ang mga transaksyon sa ledger.

Halimbawa, may utang si Jim kay Eliana ng 0.5 BTC at handa na siyang bayaran ito. Pareho silang may digital wallet.

  1. Ibinahagi ni Eliana ang kanyang address kay Jim.
  2. Ginagamit ni Jim ang kanyang wallet software upang likhain ang transaksyon, na kinabibilangan ng address ni Eliana, ang halagang ililipat (0.5 BTC), at isang bayad para sa miner. Mas mataas na bayad ay nagpapataas ng posibilidad na maisama ng miner ang transaksyon sa susunod na block.
  3. Pagkatapos mapirmahan ang transaksyon, ito ay ibinobroadcast sa network, kung saan ito ay tinitiyak ng mga node. Sini-check nila kung may sapat na pondo si Jim at siya ang tamang may-ari ng mga coin na nais niyang gastusin. Kung hindi, agad nilang tinatanggihan ang transaksyon.
  4. Kapag na-verify na ang transaksyon, pipiliin ng mga miner kung isasama ang transaksyon sa susunod na block, kadalasan batay sa napiling bayad. Kapag ang transaksyon ay napasama na sa isang block, ito ay idinadagdag sa blockchain at ang pondo ay naililipat sa address ni Eliana.
  5. Naipasa na ang pagmamay-ari kay Eliana. Maaari na niyang gamitin ang kanyang private key upang gastusin ang pondo.

Mahalagang tandaan na kapag natapos na ang transaksyon, hindi na ito maaaring baligtarin.

Paano Gumagana ang Isang Bitcoin Transaction
  1. May isang humihiling ng transaksyon
  2. Ang transaksyon ay ibinobroadcast sa mga P2P computer (node)
  3. Tinitiyak ng mga miner ang transaksyon
  4. Pinagsasama-sama ang mga transaksyon upang bumuo ng isang data block
  5. Ang bagong block ay idinadagdag sa umiiral na blockchain
  6. Tapos na ang transaksyon
Pagtanggap ng Bitcoin Transaction

Upang makatanggap ng bitcoin, kailangan mong ibigay sa nagpapadala ang iyong Bitcoin public address. Ito ay isang natatanging string ng mga letra at numero na kumakatawan sa iyong wallet at ginagamit upang kilalanin ito sa Bitcoin network.

Maaari mong makita ang iyong public address sa pamamagitan ng pagbubukas ng iyong Bitcoin wallet at hanapin ang opsyon na “Receive” o “Deposit” bitcoin.

Maaari mo nang ibahagi ang iyong Bitcoin address sa isa sa ilang paraan:

  1. Kopyahin at i-paste ang address: Maaari mong kopyahin ang address sa pamamagitan ng pag-highlight nito at pagpindot sa "Copy", pagkatapos ay i-paste ito sa isang email o mensahe.
  2. Ibahagi ang link ng iyong Bitcoin wallet: Ang ilang Bitcoin wallet ay nagpapahintulot sa iyo na gumawa ng link papunta sa iyong wallet na maaari mong ibahagi sa nagpapadala. Maaari nilang i-click ang link upang ma-access ang iyong wallet at magpadala ng bitcoin.
  3. Ibahagi ang QR code: Kung ang nagpapadala ay may smartphone na may Bitcoin wallet app, maaari nilang i-scan ang QR code upang makuha ang iyong Bitcoin address.

Kapag nakuha na ng nagpapadala ang iyong address, maaari ka na niyang padalhan ng bitcoin sa pamamagitan ng paglalagay ng iyong address at ang halagang nais niyang ipadala. Ang bitcoin ay ipapadala mula sa kanilang wallet papunta sa iyong wallet.

Ang transaksyon ay kinukumpirma ng Bitcoin Network at karaniwang tumatagal ng mga 10 minuto. Para sa mas mataas na seguridad, inirerekomenda na maghintay ng dalawang kumpirmasyon, na tumatagal ng mga 20 minuto.

Pagpapadala ng Bitcoin Transaction

Upang magpadala ng bitcoin, kakailanganin mo ng ilang bagay: isang Bitcoin wallet, ang public address ng tatanggap, at ang halaga ng bitcoin na nais mong ipadala.

  1. Buksan ang iyong Bitcoin wallet.
  2. Pumunta sa “Send” button at i-paste ang address ng tatanggap sa "To" field. Bilang alternatibo, maaari mo ring i-scan ang QR code kung nagbigay ang tatanggap.
  3. Ilagay ang halaga ng bitcoin na nais mong ipadala sa “Amount” field.
  4. I-double check ang address ng tatanggap at ang halagang ipapadala. Tandaan na hindi na mababawi ang mga transaksyon!
  5. Bago i-click ang “Confirm and Send”, inirerekomenda naming i-double check mo pa ulit ang mga detalye ng transaksyon upang matiyak na tama ang halaga ng bitcoin at address na iyong pinapadalhan.
  6. I-broadcast ang transaksyon at maghintay na makumpirma ito ng network.

Ngayon alam mo na kung paano suriin, pumili, at mag-set up ng self-custodial Bitcoin wallet. Ang pagpapadala at pagtanggap ng bitcoin sa Bitcoin network ay tinatawag na “on-chain” transactions. Ito ay dahil ang mga transaksyon ay nangyayari sa pangunahing Bitcoin network at naitatala sa blockchain.

Ang on-chain transactions ang pinakaligtas na paraan ng pag-transact gamit ang bitcoin dahil sa desentralisadong beripikasyon na ibinibigay ng network.

Gayunpaman, ang on-chain transactions ay mas mabagal at maaaring mas mahal kumpara sa ibang opsyon (na tatalakayin natin sa Module 7) dahil sa bayad sa miner.

Gawain: Mga Transaksyon sa Aksyon

Ito ay isang kooperatibong ehersisyo na nagpapasimple sa mga pangunahing papel ng mga taong kasangkot sa isang Bitcoin transaction.

Mga Pangunahing Punto
  1. May apat na uri ng kalahok sa bawat bitcoin transaction: ang nagpapadala, ang tatanggap, ang mga miner, at ang mga node operator.
  2. Dapat aprubahan ng nagpapadala (cryptographically sign) ang halaga ng bitcoin na ipapadala AT ang partikular na address na padadalhan.
  3. Ang tatanggap ay kailangang magbigay ng wastong address sa nagpadala AT tiyakin na matagumpay na nakumpirma ang transaksyon sa blockchain.
  4. Tinitiyak ng mga minero na lahat ng pamantayan ay tama bago idagdag ang mga transaksyon sa mga susunod na block.
  5. Tinitiyak ng mga operator ng node na tama ang mga namina na block bago i-update ang kanilang bersyon ng blockchain (ang ledger).
Tip ng Mag-aaral

Umikot sa lahat ng apat na papel upang maranasan kung ano ang ginagawa ng bawat kalahok.

6.5 Huwag Magtiwala, Suriin Mo

Anuman ang gawin mo sa Bitcoin, tandaan mo ito: “Huwag Magtiwala, Mag-Beripika.” Walang namumuno sa Bitcoin. Huwag kang basta-basta maniniwala sa sinasabi ng iba; sa halip, palaging tanungin at beripikahin mo ang mga impormasyong natatanggap mo. Sa pagsunod sa prinsipyong ito, mapoprotektahan mo ang sarili mo laban sa pagkawala ng iyong bitcoin. Ganoon din ito sa mga pahayag tulad ng “ang susunod na Bitcoin,” “mga oportunidad sa pamumuhunan,” o mga pangakong “madali at mabilis na kita.” Kaya mas mainam na piliin ang mga open-source na proyekto. Kung hindi mo kayang beripikahin ang code mismo, kailangan mong magtiwala sa komunidad na gagawa nito para sa iyo; ngunit mas mabuting magtiwala sa isang desentralisado at independiyenteng grupo ng mga tagaberipika kaysa sa lider o grupo sa likod ng proyekto.

↑ Back to table of contents