Karamihan sa mga tao ay hindi kailanman tumitigil upang pag-isipan ang pera.
Hindi ang pagkita nito, hindi ang paggastos nito, kundi ang aktuwal na pag-iisip kung ano ito at paano ito gumagana.
Maaaring mukhang kakaiba itong sabihin, pero totoo ito.
Ginugugol natin ang buong buhay natin gamit ang pera nang hindi man lang ito kinukwestyon.
Minsang sinabi ni Henry Ford na mabuti na lang at karamihan sa mga tao ay hindi nakakaintindi ng sistema ng pagbabangko at pananalapi, dahil kung naiintindihan nila, baka magkaroon ng rebolusyon.
Sang-ayon ka man o hindi kay Ford, sulit pag-isipan ang tanong na ito: ano ang hindi alam ng karamihan sa atin tungkol sa perang ginagamit natin araw-araw?
Ang kursong ito ay nakabatay sa tanong na iyan.
Sa pagtatapos nito, magkakaroon ka ng malinaw na pag-unawa kung ano talaga ang pera, bakit may malalaking problema ang kasalukuyang sistema, ano ang Bitcoin, at paano ka makakapagsimulang gumamit nito.
Ano ang Pera?
Ang pera ay walang likas na halaga.
Maaaring tunog kakaiba ito, pero isipin mo, wala namang gustong magkaroon ng pera para lang sa pera mismo. Gusto natin ito dahil sa mga bagay na maaari nating mabili gamit ito. Ang ₱500 na bill ay isang piraso lang ng papel. Ang dahilan kung bakit ito mahalaga ay dahil tinatanggap ito ng ibang tao kapalit ng mga bagay na tunay nating gusto.
Ito ang nagkakaiba ng pera sa palitan ng kalakal (barter).
Sa sistemang barter, nagkakaroon lang ng palitan kapag pareho kayong may gusto sa pag-aari ng isa't isa. Kung ikaw ay nagtatanim ng mansanas at ako naman ay saging, maaari tayong magpalitan, pero kung gusto mo lang talaga ng saging. Nilulutas ito ng pera sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang karaniwang gamit na maaaring gamitin ng kahit sino, kahit kailan.
Para maging epektibo ang isang bagay bilang pera, kailangan nitong gampanan ang tatlong bagay.
Kailangan itong tanggapin ng marami bilang isang kasangkapan ng palitan. Kailangan din itong magsilbing yunit ng panukat, na nagbibigay sa atin ng iisang paraan para masukat at maikumpara ang halaga ng iba't ibang bagay. At kailangan din nitong mag-imbak ng halaga,ibig sabihin, dapat nitong mapanatili ang kakayahan nitong bumili sa paglipas ng panahon.
Sa kasaysayan, maraming bagay ang ginamit bilang pera: kabibe, asin, kuwintas, at mahahalagang metal. Sa huli, naging dominante ang ginto at pilak dahil bihira ito, matibay, at tinatanggap sa buong mundo. Pero hindi praktikal ang magdala ng ginto, kaya nagsimulang maglabas ang mga bangko ng mga papel na resibo, na kumakatawan sa gintong nakaimbak sa kanilang mga vault. Ang panahong ito ay tinatawag na gold standard.
Kalaunan, nagsimulang mag-imprenta ang mga gobyerno ng mas maraming papel kaysa sa aktuwal na ginto na mayroon sila. Noong 1971, opisyal na tinapos ng US ang pagpapalit ng dolyar sa ginto, isang pangyayari na tinawag na Nixon Shock. Mula noon, ang pera ay naging tinatawag ng mga ekonomista na fiat money. Ang salitang fiat ay nangangahulugang "sa pamamagitan ng utos." Ang pera natin ngayon ay hindi na sinusuportahan ng anumang pisikal na bagay. Umiiral lang ito dahil sinabi ng gobyerno na umiiral ito.
Mula sa pera na sinusuportahan ng isang bagay, napunta tayo sa pera na sinusuportahan ng isang tao o institusyon.
Ano ang Mali sa Ating Pera?
Kapag naririnig ng mga tao ang salitang implasyon, kadalasan iniisip nila na ibig sabihin nito ay tumataas ang mga presyo.
Totoo iyon, pero sintomas lang ito.
Ang tunay na dahilan ay mas malalim: ang pera ngayon ay maaaring likhain nang walang hanggan, at ang mga taong may kontrol sa prosesong ito ay iilan lamang.
Pag-isipan mo kung ano ang nagpapahalaga sa isang bagay.
Ang orihinal na Mona Lisa ay mas mahalaga kaysa sa anumang kopya nito, hindi dahil mas maganda ito, kundi dahil ito lang ang nag-iisa. Ang kakulangan ay lumilikha ng halaga. Ganito rin ang lohika pagdating sa pera.
Kapag mas marami ang yunit ng isang bagay, mas bumababa ang halaga ng bawat isa.
Ang US dollar ay nawalan ng mahigit 96% ng kapangyarihang bumili mula noong 1913.
Ang cheeseburger na nagkakahalaga ng 19 sentimo noong 1940 ay higit ₱140 na ngayon. Hindi dahil gumanda ang cheeseburger, kundi dahil mas mababa na ang halaga ng bawat piso kaysa dati.
Ang iyong ipon, ang iyong sahod, at ang iyong kapangyarihang bumili ay unti-unting nababawasan sa paglipas ng panahon, hindi dahil sa ginawa mo, kundi dahil sa disenyo ng sistema.
Ito ang problemang nilikha ang Bitcoin upang lutasin.
Ano ang Bitcoin?
Ang Bitcoin ay isang digital na anyo ng pera na desentralisado, may hangganan, at gumagana nang lubos sa labas ng kontrol ng mga gobyerno at bangko. Mahalaga ang bawat isa sa tatlong katangiang ito.
Ang pagiging desentralisado ay nangangahulugan na walang sentral na awtoridad, walang gobyerno, walang korporasyon, at walang iisang punto ng kontrol. Ang network ay pinananatili ng mga gumagamit nito, at kahit sino, saan man, ay maaaring makilahok. Ihambing ito sa kasalukuyang sistema ng pananalapi, kung saan ang pag-imprenta ng pera o pagsisimula ng bangko ay halos imposibleng gawin ng karaniwang tao.
Ang pagiging may hangganan ay nangangahulugan na hindi lalampas sa 21 milyon ang kabuuang bitcoin na maaaring umiral. Ang bilang na ito ay nakaprograma sa sistema at hindi maaaring baguhin maliban kung magkasundo ang buong pandaigdigang network. Habang walang limitasyon ang pagdami ng fiat money, lalong nagiging mahalaga ang bawat bitcoin kumpara rito. Ito ang kakulangan na wala sa fiat money.
Ang pagiging malaya ay nangangahulugan na walang sinuman ang maaaring humarang sa iyong mga transaksyon, mag-freeze ng iyong pondo, o baguhin ang mga patakaran. Ang Bitcoin ay hindi madaling masensor sa paraang hindi kayang gawin ng kahit anong bank account.
Isang maling akala ay hindi abot-kaya ng karamihan ang Bitcoin dahil sa presyo nito. Pero hindi mo kailangang bumili ng isang buong bitcoin. Katulad ng piso na nahahati sa 100 sentimos, ang bitcoin ay nahahati sa 100 milyon na yunit na tinatawag na satoshi. Maaari kang magkaroon ng makabuluhang halaga ng bitcoin kahit ilang piso lang ang puhunan.
Ang network ay binubuo ng tatlong kalahok: mga gumagamit na nagpapadala at tumatanggap ng bitcoin, mga node na nagbeberipika ng mga transaksyon at nagpapatupad ng mga patakaran, at mga miner na nagdadagdag ng bagong mga block sa talaan. Ang talaang iyon, ang blockchain, ay pampubliko, permanente, at makikita ng kahit sino. Walang tagapamagitan, walang tagabantay, ganap na transparency.
Paano Mo Ginagamit ang Bitcoin?
Ang Bitcoin wallet ay isang app lang na nagbibigay-daan sa iyo na magpadala, tumanggap, at pamahalaan ang iyong bitcoin. Ang pinakamahalagang bagay na dapat maintindihan bago pumili ay ang tungkol sa kustodiya.
Sino talaga ang may hawak ng iyong bitcoin?
Sa isang self-custodial wallet, ikaw ang may buong kontrol.
Kapag in-setup mo ito, magge-generate ito ng isang seed phrase: isang hanay ng 12 o 24 na karaniwang salita sa tiyak na pagkakasunod-sunod. Ito ang iyong backup, kung saan nagmumula ang private keys ng iyong wallet. Sinumang may hawak nito ay maaaring i-restore ang iyong wallet at kontrolin ang iyong pondo.
Isulat ito sa papel at itago sa isang ligtas na lugar, na lubos na offline. Huwag kailanman kunan ng larawan, i-email, o i-save ito sa digital na paraan. Tandaan: sinumang may hawak ng mga salitang iyon ay may access sa iyong bitcoin, at kung mawala mo ito nang walang backup, mawawala na rin nang tuluyan ang iyong bitcoin.
Sa isang custodial wallet, isang kumpanya ang may hawak ng iyong bitcoin para sa iyo, parang bangko.
Mas madali ang setup at hindi mo na kailangang mag-manage ng seed phrase, kaya magandang opsyon ang mga wallet na ito para sa maliliit na halaga at pang-araw-araw na gastusin. Ang kapalit ay pinagkakatiwalaan mo ang kumpanyang iyon sa iyong pondo, at kung i-freeze nila ang account, ma-hack, o magsara, maaaring mawalan ka ng access.
Isang kapaki-pakinabang na kasabihan sa mundo ng Bitcoin: hindi mo hawak ang susi, hindi mo hawak ang coin.
Narito ang ilang opsyon ng mga wallet na maaari mong subukan. Tulad ng lagi, magsaliksik muna at siguraduhing nauunawaan mo ang iyong ginagawa bago magdeposito ng pondo na hindi mo kayang mawala.
Self-custodial wallets
Pangalan
Paglalarawan
Pinagmulan
Bluewallet
Isang makapangyarihan ngunit simpleng mobile wallet na may mabilis na setup, madaling gamitin na Send/Receive interface, at watch-only tracking para sa hardware wallets, para hiwalay at ligtas ang iyong on-chain Bitcoin.
bluewallet.io
Blockstream Wallet
Isang wallet na nakatuon sa seguridad na may simpleng singlesig setup, madaling gamitin na Send/Receive interface, at seamless na Jade pairing, na sumusuporta sa Bitcoin at Liquid network.
blockstream.com/app
Bull Bitcoin Wallet
Isang wallet na nakatuon sa privacy, Bitcoin-only, na may dual-wallet system para sa ipon at gastusin, real-time na fee data, at suporta sa watch-only hardware wallet.
wallet.bullbitcoin.com
Aqua Wallet
Isang Bitcoin “superapp” para sa pang-araw-araw na gastusin, na may streamlined na interface para sa Bitcoin, Lightning, at Liquid.
aqua.net
Manna
Isang modernong all-in-one wallet na may malinis na self-custodial interface para sa Bitcoin, Lightning, at Liquid, kasama ang encrypted chat at built-in na BTC Map para makahanap ng mga lugar na tumatanggap ng sats.
mannabitcoin.com
Custodial wallets
Pangalan
Paglalarawan
Pinagmulan
Blink
Isang entry-level na Bitcoin wallet para sa araw-araw na gamit na may instant custodial Lightning payments, at built-in na merchant map para makahanap ng mga lokal na tindahan na tumatanggap ng Bitcoin.
blink.sv
Wallet of Satoshi
Isa sa pinakasimpleng Lightning wallets sa mundo, na may instant custodial setup, streamlined na Scan-to-Pay interface, at personal na Lightning Address para sa madali at araw-araw na transaksyon.
walletofsatoshi.com
Para sa mga nagsisimula, alinman sa mga nabanggit na self-custodial wallets ay magagandang opsyon na gagabay sa iyo sa proseso ng paggawa ng seed phrase.
Para sa mas maliliit at pang-araw-araw na bayad, ang Blink at Wallet of Satoshi ay custodial Lightning wallets. Mabilis, mura, at madaling gamitin para sa mga baguhan.
Ang Lightning Network ay isang layer na itinayo sa ibabaw ng Bitcoin blockchain na dinisenyo para sa mabilis at murang mga transaksyon, perpekto para sa araw-araw na paggamit.
Ano ang Susunod?
Sadyang sira ang disenyo ng fiat na pera
Ang sistema ay ginawa sa paraang unti-unting inaalis ang kapangyarihang bumili mula sa mga karaniwang nag-iipon at inililipat ito sa mga may kontrol sa suplay ng pera. Hindi ito isang sabwatan—makikita ito sa datos at pinatutunayan ng kasaysayan.
Ang Bitcoin ay isang tunay na alternatibo
Mula noong 2009, mayroong uri ng pera na limitado, neutral, at bukas para sa lahat—isang uri na ibinabalik ang mga pangunahing tungkulin ng pera nang hindi nangangailangan ng tiwala sa anumang institusyon o awtoridad.
Mas madali magsimula kaysa sa inaakala
Mag-download ng wallet, alamin kung paano ito gamitin, at magsimula sa maliit. Hindi mo kailangang maintindihan ang lahat bago gawin ang unang hakbang. Ang pag-unawa ay dumarating habang ginagawa.
Simula pa lang ito
Ang Bitcoin Diploma ang susunod na hakbang, na nakabatay sa mga natutunan mo rito. Manatiling mausisa, patuloy na magtanong, at maligayang pagdating sa rabbit hole. Alamin pa sa www.myfirstbitcoin.org